Okay ang daldal ko ngayon, wew. Ito na siya, sana matuwa kayo.
![]() |
Ito nga pala ang EP ng Canadian band na Alexisonfire, ang Death Letter. |
ANG HULING LIHAM
Kung akala mo kailangan kita
Nagkakamali ka
Isa ka ng gusot gusot na palara
Na pakalat kalat lang sa lupa
Na basta basta na lamang sinisipa
Isang bumbilyang patay-sindi
Na hindi na makumpuni
Nakakairita, nakakarindi
Mas malala ka pa sa napundi
O kaya'y salaming may mantsa
Na kahit anong punas, di na mabubura
Wala ka ng makita, kundi mga marka
Mas maganda pa ngang mabasag ka na
Oo! Mabasag, madurog, magpira-piraso
Tapak tapakan, itapon parang upos ng sigarilyo
Hindi na kita kailangan, sino'ng niloko mo
Hindi na kita kailangan, wala ka na sa mundo ko
Sa lahat lahat ng ginawa mo sa kin
Bakit pa kita kakailanganin?
Sino'ng gusto mong patawanin?
Wala akong balak na ika'y patawarin
Kung pwede lang kitang saktan, siguro ngayon baldado ka na
Kung pwede lang kitang itapon, siguro ngayon nagliliyab ka na
Kung pwede lang kitang lunurin, sa mga lamang dagat, pinakain na kita
Kung pwede lang kitang kalimutan, sana nga pwede talaga
Dahil sa isipan ko, di ka maalis-alis
Puso ko'y napupuno ng galit at pagkainis
Bakit tila ba sa ating dalawa ako pa yung labis
Na nahihirapan, napapagod, at nagtitiis
E sa ating dalawa, ako dapat ang lamang
Ikaw yung nawalan, ako ang nakinabang
Ikaw pa ang may gana ngayong magyabang
Na ikaw ay aking kinakailangan
Ulol! Tanga! Sira ulo!
Walang bahagi mo ang kailangan ko.
E bakit ba sinulat sulat mo sa liham mo
Na ika'y kinakailangan ko?
Sabay nakita ka na lang na hindi humihinga
Nalulunod ka sa kama na tila ba namumula
Hawak ang patalim na sa sarili mo'y bumiktima
Katabi ang liham para sa akin na di ko man lang agad nabasa
"Para matapos na ang paghihirap natin
Ay kailangan ko nang gawin ang dapat kong gawin
Dapat nang tapusin ang dapat tapusin
Mula ngayon hindi mo na ako kakailanganin."
Mula ngayon hindi mo na ako kakailanganin."
Kailangan kita, sino bang niloloko mo?
Kaya kong magsinungaling basta para sa'yo.
Kailangan kita, ikaw ang mundo ko,
Kung pwede lang na ibalik ka sa mundong ito
Kung sana lang nabasa ko
Ang huling liham na sinulat mo
Ako mismo ang magpaparinig sa'yo
Nang mga linyang sana'y naihanda ko
Mga kasinungalingang gawa-gawa
Upang kalooban mo sa aki'y sumama
Mga kasinungalingang nilikha
Upang mapigilan sana ang iyo nang nagawa
Ngunit dahil huli na ang lahat
at wala na akong magagawa
Akin na lamang isinulat
Sa unang siyam na talata nitong tula