Hey hey! Bagong post after x weeks. Sana magustuhan niyo itong bagong entry ko. Walang hugot yan! Pramis! Haha.
![]() |
kung ndi ako nagkakamali, to ang 23rd album ni Ramsey Lewis, ang Wade in the Water |
TAMPISAW
Naaalala mo pa ba nung nagtatampisaw sa tabing dagat
Hindi maipaghihiwalay ang ating mga balikat
Ang dalawang pares ng paa sa baybayin bumabakat
Habang dahan dahan sa buhangin ang mga paa nati'y lumalapat
Ang araw ay humahalik sa balat natin
Humahaplos sa atin ang mainit na hangin
Ating paa'y niyayapos ng pinong buhangin
Ang tamis ng eksenang ito sa baybayin
Binanggit mo nang marahan ang aking pangalan
Nilapit mo ako sa'yo ng dahan dahan
Unang pagkakataon na ang labi ko'y madampian
Dama ko ang init ng ating pagmamahalan
Naaalala mo pa ba nang tayo'y lumipad at tinangay ng hangin
Nang tumalon tayo mula sa eroplanong sinasakyan natin
Kapit-kamay nating sinuyod ang himpapawirin
Kakaibang kaba at ligaya ang ating naatim
Tayo'y muling lumipad kinagabihan
Kakaibang paglipad ang ating pinagsaluhan
Kapit-kamay tayong sinalo ng higaan
Kaba at ligaya ang nasa puso't isipan
Ang mga puso nati'y naghahabulan
Hindi maintindihan ang nararamdaman
Ngayon ko lang to mararanasan
Ang sumunod na nangyari di ko na malilimutan
Sana pala nalimutan ko na lang
Malimutan, matabunan, mabura sa isipan
Di kayang itago, di kayang pagtakpan
Gusto kong isuka ang sariling katauhan
Bakit nagbago? Bakit nag-iba?
Di ba ikaw ang dagat, ako ang balsa
Ikaw ang hangin, ako ang saranggola
Bakit tila ba nalimutan mo na?
Walang tamis na halik, walang buhay na tinig
Bakit bigla ka ba sa akin nanlamig
Kayang kaya mo akong itulak sa sahig
Ito ba ang matagal ko nang inaasam na pag-ibig?
Kung gayon nga, ayoko nang magmahal!
Ang nakaakbay mong braso para bang nananakal
Ang haplos sa mukha para bang mga sampal
Ayoko nang magmahal, di na muli susugal!
Lumipas na'ng ilang taon, lumipas na'ng panahon
Wala na ang buhangin, wala na ang alon
Wala na ang hangin na sa ati'y sumalubong
Ngunit sa isang di inaasahang pagkakataon..
Muli kitang nakita, wala kang pinag-iba
Ang nunal mo sa leeg, mahahabang pilikmata
Ang balat mo sa pisngi sa ilalim ng kanang tenga
O bakit ba ito agad aking napupuna?
Mga ala ala'y sa aking ngayo'y bumabalik
Ang init ng dagat, ang init ng iyong halik
Ang ating paglipad, ang aking pananabik
Akala ko nabura na kita sa aking isip
Di na muli malimot sa kahit anong pilit
Lahat na ininom, lahat na hinithit
Hinahanap hanap kita, sana sa aki'y magbalik
Sana maging tayo muli, maging tayo ulit..
Wala naman nang mangyayari, walang magbabago
Di ko lang mawari, tayo ngayo'y mga estranghero
Ang malaking pagkakaiba lang natin sa ibang tao
Ang mga ala-alang pinagsaluhan natin nung meron pang 'tayo'
1 comments:
Parang true to life... Pero #nohugot daw hahaha
Post a Comment