Hangin

Tuesday, March 10, 2015

Maipilit lang yung hangin haha.
2nd album ng nkotb. 

isa ito sa mga paborito kong naisulat sa jeep. dalawang biyaheng pauwi ko ito ginawa kaya may pagkahaba haha.
nainspire akong isulat ito gawa ng malakas talaga ang pasok ng hangin sa loob ng jeep. ayun. tapos naging madrama na ako hahaha.
so ito na siya:

HANGIN

O kay banayad ng hanging sa akin ay dumarampi
Dumarampi, humahaplos, dahan-dahang nangingiliti
Nangingiliti, o kay sarap, humihimas paunti-unti
Paunti-unti, nang tumagal, ay hinahanap ko na palagi

Palagi kitang hinihintay, palaging inaabangan
Inaabangan kong higit ang iyong kakulitan
Kakulitan na sa kalooban ko ay nagpapagaan
Nagpapagaan ng damdamin hanggang sa kaibuturan

Kaibuturan ng puso ko’y ikaw ang hanap
Hanap hanap sa tuwina ang iyong paglingap
Paglingap mo sa akin ay walang kasing sarap
Sarap na nadarama lamang kapag ako’y nangangarap

Nangangarap nga ba o sadyang tunay at totoo
Totoo nga bang ika’y biglang nawala at naglaho
Naglaho ka sakin, ngayon mundo’y natuyo
Natuyo na ang damdamin, nawasak pa aking puso

Puso ko’y umiiyak at tila ba nagtatangis
Nagtatangis, nagtatanong bakit ika’y umalis
Umalis na rin ang saya at ligaya kong labis
Labis tuloy nalulungkot at di nga ba’y naiinis

Naiinis ako sa sarili, aking napagtanto
Napagtanto kong inakala ko di ka na hihinto
Hihinto ka nga rin pala, bakit ba ako ganito
Ganito ko na tinatapos at isasara na’ng aking pinto

Pinto ko ay ipiniid at ako ay nanahimik
Nanahimik, namahinga ngunit mga ala-ala’y bumabalik
Bumabalik ang pakiramdam ng aking saya’t pananabik
Pananabik nga’y bumalik ngunit kasabay ang mga tinik

Tinik na sa sarili ko din naman mismo itinanim
Itinanim, ibinaon daig pa ang patalim
Patalim na ang sanhi ay ang aking pag-angkin
Pag-angkin sa hangin at pag-aakalang siya’y akin

Akin ngang pinagsisihan ang aking nagawa
Nagawa ko mang unawain ngunit anong magagawa
Magagawa ko lang ay tanggaping ika’y wala
Wala na talaga, ano bang aking inakala

Inakala kong wala ka na sa haba ng panahon
Panahon na ang nagdikta, damdamin ko’y naglaon
Naglaon na rin ang pagsayaw ng mga dahon
Mga dahon na iyong pinaindak at pinatalon

Pinatalon mo ako nang biglaan kang bumalik
Bumalik ka nga ngunit bakit parang ika’y nagagalit
Nagagalit, nanlilisik, para bang may iginigiit
Iginigiit ko sa sarili na maaaring ikaw lang ay nasasabik

Nasasabik ka nga ba ngunit ako’y napapaurong
Napapaurong dahil sigaw na ang dati mong mga bulong
Bulong ko sa sarili, “paano kita masasalubong?”
Masasalubong pa nga ba o dito sa loob ay magkukulong

Magkukulong na lang dahil labis na natatakot
Natatakot sa mga hiyaw mong nakakabangungot
Nakakabangungot, talagang nakakakilabot
Nakakakilabot nang lubos, ako ba’y iyo nang nalimot?

Nalimot mo na ba ang ating mga pinagsamahan
Pinagsamahan nating punung puno ng tawanan at lambingan
Lambingan pa ba itong ating nararanasan
Nararanasan ko ngayo’y sakit at kalungkutan

Kalungkutan sa puso’t damdamin ko ang nangibabaw
Nangibabaw na takot at kaba’y tuluyang nalusaw
Nalusaw din sa isip ko ang kanyang pagkahalimaw
Pagkahalimaw na bumungad nang siya’y bigyang tanaw

Tanaw ko ngayon ang kanyang pagbabago
Pagbabago mula sa dating ihip na ngayon na’y ipo-ipo
Ipo- ipo man siya ngunit di niya maitatago
Maitatago nga ba ang paghagulgol ng kanyang puso?

Puso ko’y hinanda sa kanyang mga hampas
Hampas na mahahapdi, nagmistulang mga himas
Mga himas noon pang magkasama kami madalas
Madalas nakangiti at kinikilig nang wagas

Wagas na masakit ang kanyang mga hagupit
Hagupit na mabagsik at talagang malupit
Malupit man ay akin na lamang ipipikit
Pipikit at iintindihin ang kanyang mga  pasakit

Pasakit man sa akin, ay akin nang hahayaan
Hahayaan ko na ring humupa ang kanyang nararamdaman
Nararamdaman kong lahat yun balang araw ay lilisan
Lilisan ang mga sama ng loob na ang sanhi ay di ko alam

Alam kong damdamin niya’y unti unti nang gumagaan
Gumagaan na rin ang paghambalos niya sa aking katawan
Katawan kong mahina ang kanyang naging sandigan
Sandigan niya ako sa kabila ng akin ding pagdaramdam

Pagdaramdam ko’y inihip na ngayon ng hangin
Hangin na siya din mismong nagpalungkot sa akin
Akin mang aaminin ako’y napag-isip-isip din
Napag-isip-isip din kung bakit lumambot ang aking damdamin

Damdamin ko’y biglang nagbago
Nagbago nang di ko alam kung paano
Paano ba nangyari ang lahat ng ito
Ito ang bagay na sa isip ko’y nakalilito

Nakalilito. Masayang masaya akong kapiling siya
Siya ma’y nawala ngunit tinanggap ko lang basta
Basta basta siyang nagbalik at ako’y sinaktan pa
Sinaktan man ako, noon pa man, siya’y napatawad ko na

1 comments:

Unknown said...

Hangin...Laging tinatangay ng hangin... Kahit anong bigat ng dalahin... Kaya pa rin itulak ng hangin... Hahaha

Post a Comment