Ang Mga Lihim Na Salita Ko Para Sa Iyo
Hindi. Hindi ko alam.
Walang nakakaalam.
Ganito na naman.
Siguro? Basta. Ewan.
Naidamay na naman kita
Sa mundo kong paiba-iba
Baka napapagod ka na
Pasensya na mahal ko, pasensya na talaga
Oo. Mahal kita.
Pero bakit? Bakit ba?
Paulit ulit na.
Sinasaktan ka.
Mabuti pang itaboy mo na ako
Kasi sigurado, mauulit pa ito
Ang isip kong gulong gulong gulo
Minsan ganyan, minsan ganito
Itapon mo na lang sana lahat
Kalimutan mo na lang ako sapagkat
Hindi ito sa’yo nararapat
Damdamin mo’y lalo pang bibigat
Pasensya, pataawad, paumanhin
Masyado akong maramdamin
Kung ikaw kaya’y aking tanungin
Ayaw mo na ba sa akin?
Dahil alam kong nakakapagod na
Paulit-ulit nadadamay ka
Habang sinasabi kong mahal kita
Ito ba’y nadarama mo pa?
Mahal kita, sigurado ako
Kaso sinasaktan ko lang ang damdamin mo
Siguro mas maganda kung mawala na ako
Para maging payapa na ang araw-araw mo
Gusto ko nang mamatay
Ang buhay kong ito’y wala ng saysay
Sa lahat ng pasakit na sa’yo’y ibinigay
Dapat sana’y pag-ibig na tunay
Pasensya na aking mahal, pasensya na talaga
Puro ako salita, hindi naman maipakita
Ikaw sa akin ay napakahalaga
Ayoko ng nasasaktan ka
Kaya lalayo na lang
Hindi ako para sa’yo, hindi mo ako kailangan
Hindi ako para sa kahit kanino man
Pare pareho lang kayong sa akin mahihirapan
0 comments:
Post a Comment