Pagmulat

Monday, August 26, 2024

0 comments

 

Ang The Awakening ay isang album ng American jazz pianist na si Ahmad Jamal na nagtatampok ng mga pagtatanghal na naitala noong 1970 para sa Impulse! label. Sa pagtingin sa nakaraan, ang album ay nagkaroon ng impluwensya sa kultura at produksyon ng Hip hop music, kung saan ang mga artist tulad nina Nas at Common ay kumopya ng mga kanta mula sa album para sa kanilang mga gawa.

Isa pang tula nung 2017 hahaha. Enjoyy~


PAGMULAT

ikaw ang unang naisip ngayong umaga
bago maidlip ikaw din ang huling nakita
mga litrato mong kay sarap titigan
damdamin ko'y sadyang napapagaan

ilang umaga na ding nagigising sa iyong mga ngiti
tila ba naririnig ko ang iyong magandang pagbati
kakaibang saya ang aking nararamdaman
habang kinakausap ka ng hindi mo alam

minsan nangangarap na ako'y iyong naririnig
na sana'y dalhin ng hangin ang aking mga tinig
kaso sa ganito pa lang, labis nang naaantig
mangyari pa kaya'y baka di kayanin ang kilig

o sa bawat pagkakataong ako'y nagigising
parang laging natutupad ang aking mga hiling
hinding hindi magsasawa ang puso ko
ikaw na nga ang hinahanap ko

Puyat

0 comments

 


Isa ito sa mga album ni Neddie na pinamagatang Sleep-Deprived na nairelease noong Hunyo 29, 2024. Ito ay isang lush DnB na puno ng damdamin at pakiramdam ng hiwaga. Parang kaya kong matulog habang pinapakinggan ang EP na ito.

Ito ay some time nung 2017 din. <3

PUYAT

akala ko kung ano na
inabutan lang pala ako ng umaga
wala namang bago, wala namang iba
ganito pa rin. iniisip ka

kadalasan ay hindi na malinaw
di naman magkahawak pero di bumibitaw
pinagpawisan na nga din tayo sa ginaw
madalas hinahanap pa ang araw

teka. ano ba tong aking mga sinasabi
para bang ang utak ko'y walang silbi
wala naman akong ginawa kundi mabighani kada gabi
habang inaalala nung siya'y nakatabi

puso't isipan ko'y parang sumasabog
palibhasa sa panaginip lang ako nakakatulog
ginagawang gabay ang mga tugtog
habang ang oras ay nasusunog

at sa mga abo nitong tinatangay ng hangin
ay para bang mas lumalalim
hindi lang pala alaala ang kinikimkim
ang hinaharap ay pinapangarap ko na din

Nahuhulog

0 comments


Ang All We Know Is Falling ay ang debut studio album ng American rock band na Paramore, na inilabas noong Hulyo 26, 2005, sa ilalim ng Atlantic-distributed Fueled by Ramen sa Estados Unidos. Karamihan ay nakategorya bilang pop-punk album, nakatanggap ang album ng karamihan sa mga positibong pagsusuri at tinaguriang 'scene classic.'

So among the sadboi tula ko before, meron pala akong nagawang hindi sad. Hahaha circa 2017 din to.


NAHUHULOG

Ang ating pag-ibig parang taglamig at tag-init
Ang ating pag-ibig parang makulimlim at banayad na langit
Ang ating pag-ibig parang pagsikat ng araw
Ang ating pag-ibig parang isang malaking sugal
Wag mo akong hayaang matalo
Ako'y lalong nahuhulog sa'yo

Ang puso mo sa akin ay umaawit
Ang puso mo sa akin ay  nakapanakit
Ang puso mo'y dinala ako sa kalangitan
Ang puso mo'y nagbigay ng tunay na kaligayahan
Ano na ang gagawin ko?
Ako'y lalong nahuhulog sa'yo

Paminsan minsan ay di nagkakaunawaan
Sa bawat araw ay bagong karanasan
Sa ngalan ng ating pagmamahalan
Pareho tayong may pagkukulang
Ngunit lagi mong tatandaan
Lahat ng iyong pagkakamali at pagkukulang
Ay aangkinin ko gaya ng pagtanggap ko sa'yo
Ako'y lalong nahuhulog sa'yo

At bigla bigla na lang..
Ang aking bawat hininga
Ang aking bawat nadarama
Lahat ay para sa iyo.
At tulad mo
Na naging para sa akin
Wala ng ibang hihilingin.
Walang makakasalo sa akin gaya ng pagsalo mo
Ako'y lalong nahuhulog sa'yo

Lahat ng nakikita ko ay tungkol sa'yo
Lahat ng nararamdaman ko ay para sa'yo
Ang buong ikaw ay para sa akin
Ang buong ako ay para sa'yo
Sige lang mahulog ka lang sa akin
Dahil ako'y lalong nahuhulog sa'yo

Ang Bangin

0 comments

 



Ang Cliff ay ang 1959 debut album ng British singer na si Cliff Richard at ng kanyang banda na The Drifters. Ang album ay isang live-in-the-studio na pag-record ng maagang rock and roll nina Richard at ng Shadows sa harap ng isang inanyayahang audience na may ilang daang tagahanga. Ito ay naitala sa loob ng dalawang gabi noong Pebrero 1959 sa Studio 2 ng EMI Recording Studios.

Ito paborito kong nasulat noon. Like 2017 din hahaha. Di ko na din maalala yung kwento kung bakit ko to nasulat. Hahaha


ANG BANGIN

At ngayon, tayong dalawa'y nasa bangin
Ika'y nasa taas at ako'y nakalambitin
Tanging ikaw ang sumusuporta sa akin
Para hindi ako kainin ng dilim sa ilalim

Mahigpit akong nakakapit sa iyong braso
Ganun din kahigpit ang mga kapit mo
Ginagawa mo ang lahat para hindi ako malaglag
Nagtitiwala nang tapat ngunit puso ko'y di mapanatag

Sa isang kisapmata, ang lahat ay nag-iba
Ako na lang pala ang nakakapit sa ating dalawa
Ayaw mo na ba? Pagod ka na? Bakit bumibitaw ka na?
Ang isip ko'y binaha ng pagtataka

Naalala ko bigla ang mga masasayang sandali
Ang iyong nakakahawang tawa, matatamis na ngiti
Ang iyong mga matang tinititigan ko nang walang sawa
Ngayo'y nakatingin sa mga mata kong nagmamakaawa

Nag-aalangan ngayon ang isip ko't damdamin
Di ko alam kung alin ang aking uunahin
Alam kong nahihirapan ka na sa kalagayan natin
Ngunit ayoko namang mahulog sa nagbabadyang dilim

Maaari ka bang mapagod sa pagbitiw
Sumusuko ka na ba sa atin, o giliw
Mauuna ba akong mapapagod sa pagkapit
Alam kong ang kasagutan ko'y nalalapit

At sa isang iglap, bumalik sa akin ang lahat
Matataas na pangarap, mga away na walang awat
Mga pagsubok na ating napagtanto
Mga nag-udyok kung bakit tayo nagkaganito

Hindi nagdadalawang isip na ako'y bumitaw sa iyong bisig
Mawalay ka man sa akin, ngunit hindi ang aking pag-ibig
Ako'y pumikit at hinanda ang puso kong nangangamba
Pinapakawalan na kita sa bigat na iyong nadarama

Siguro, sa kadiliman ng ating mga duda at katanungan
Sa ilalim ng katarikan, matatagpuan ating mga kasagutan
Maaaring ito rin ay sigaw ng iyong puso't isipan
Kaya nung kita'y pinakawalan, sumunod ka ng walang alinlangan.

Huli

0 comments

Ang The Final ay isang greatest hits album na inilabas noong 1986 upang buuin ang karera ng English pop duo na Wham!. Ang album ay hindi agad inilabas sa North America, kung saan ang album na Music from the Edge of Heaven ang inilabas sa halip. Anim na kanta mula sa album na iyon ay lumabas sa compilation na ito. Ang compilation album ay sabay na inilabas sa farewell concert na may parehong pangalan noong Hunyo 28, 1986, sa Wembley Stadium.

Soooo. Another sadboi tula nung 2017. HAHAHAHA.



HULI

maginaw na pagtrato
walang ganang mga tono
unti unti kang nagbago
biglaan akong nanibago

ako ang may gawa
wala namang ginawa
kaya wala ng magagawa
gusto mo ng mawala

patawad sa aking kasalanan
oo. patawad na naman.
patawad na lagi mong napapakinggan
hanggang sa mga patawad na lang

pero hayaan mo ito na ang huli
di mo na kailangan mag atubili
di mo na kailangan makipag ayos
ako na ang magtatapos

sa'yo ko nilalaan ang ang aking huling tula
natuyo na ng hangin ang huling patak ng luha
salamat sa alaala at sa damdaming pansamantala
magpapaalam na ako sa iyong sistema
malaya ka na sa aking pang aabala

Kusa

0 comments

 


Ang Spontaneous ay isang live album ng bassist at kompositor na si William Parker kasama ang kanyang Little Huey Creative Music Orchestra, na naitala sa Vision Festival sa New York noong 2002 at inilabas sa Italian Splasc(H) label

So ito another old tula of mine. Way back 2017. Hahahaha. Sana maenjoy mo.



KUSA

Gaano katagal na ba
Mula nung huling beses
Nadinig ang musika
Walang kapares
Ang mahika
Ng iyong boses
Na tila ba
Isang senyales
Na tapos na
Ang pagtitiis
At hindi na
Aalis

Gaano katagal na ba
Mula nung di makadinig
Dagundong ng bawat piga
Walang tigil na pagpintig
Ritmo ng aking kaba
Kabog ng dibdib
Patsadang kalma
Loob ay sabik
Kuno'y handa
Walang imik
Eto na.
Kilig

Kay tagal ng nabibingi sa ingay ng isip
Pag ikaw ang laman, kusang tumatahimik
Kay tagal ng lutang sa himpapawid
Kusang mahuhulog sa iyong mga bisig

Gaano katagal na ba
Mula nang naglakbay
Tayo lamang dalawa
Di mapagbitiw na kamay
Nakangiting kaluluwa
Saki’y nakadantay
Nagpapakalma
Iyong akbay
Sinabi ko na
Di masasanay
Habambuhay

Kay tagal ng ligaw sa mundong mapanakit
Sa piling mo lamang kusang bumabalik
Sa dami ng sakit, sa dami ng pagdurusa
Sa lahat ng pinilit, sayo lang ako nagkusa

Kabilugan

0 comments
Para sa mga naghahanap ng mas ethereal na karanasan sa pagsamba, tingnan ang Young Oceans at ang kanilang pinakabagong album na You Are Fullness. Kung kailangan mo ng tahimik at meditative na lugar, perpekto ang You Are Fullness na ilagay sa background.

So, isang gabi nung 2019, habang naglalakad sa kahabaan ng mga lansangan ng Makati, gaya nang marami, naging senti lang ako nung nakita ko yung full moon. Hahaha. 


KABILUGAN

Nakulangan ba ako sa paliwanag
o nasobrahan ka lang ba sa liwanag?
Nasisilaw. Ako sa'yo'y nabubulag
Napupukaw mo ako at nabibihag

Ako nga yata ay inaangkin mo na
Napako na sa'yo aking mga mata
Nangangarap sana na maabot kita
Kahit alam kong napakalayo mo na

Para bang nahuhulog patungong langit
Sa iyo ay labis akong naaakit
Ngunit ako nga ba'y iyong mapapansin?
Hinihiling sana'y mahulog din sa'kin

Sa totoo lang ay sapat na talaga
na mamangha ako sa taglay mong ganda
Kahit alam kong di ka makakatabi
ngiti mo'y kumukumpleto sa'king gabi


Kanser

0 comments

 

Ang The Black Parade ay ang ikatlong studio album ng My Chemical Romance, inilabas sa Estados Unidos noong Oktubre 24, 2006, ng Reprise Records. Ito ay isang rock opera na nakatuon sa isang lalaking namamatay dahil sa kanser, kilala bilang si 'The Patient,' at nagsasalaysay ng kanyang kamatayan, karanasan sa kabilang buhay, at pagninilay sa kanyang buhay.


So ito ay way back 2018. Mga panahon na nareignite yung passion ko sa bandang My Chemical Romance. Lels. Isa sa mga favorite kong track sa album nilang The Black Parade ay ang kantang Cancer. Dahil dito, naisipan kong gumawa ng Filipinized na version pero hindi paawit. Hahaha like sa kanila lahat ang konsepto at ideya, sa akin lang ay yung tagalog words at isang damdaming nagreresonate sa kanilang artistic na pag-eexpress sa kantang Cancer.

KANSER

Pwede bang lumayo ka muna, yan ang aking ibig
Kung ang ibig sabihin nito ay ang pagkuha mo ng tubig
Ang mga labi kong uhaw, namumutla at nanunuyo
Kaya sana'y ikuha mo ako ng tubig sa iyong paglayo

Kung maaari din tawagin mo si Nanay
Tulungan mo siyang tipunin lahat ng mga paborito kong bagay
Para kapag dumating na ang takdang oras ng pamamaalam
Sa huling pagkakataon man lang ay aking mabalikan

Pasensya na sa pagiging makasarili, pero ito na ang huli
Pasensya na kung di mapakali, masyado lang nagmamadali
Bago matigil ang aking paghinga, bago maubos ang dugong binubuga
Nitong puso kong dahan dahan pero siguradong bumibigay na

Pero di kita hahalikan, mga namumutlang labi'y natuyo na
Di kita hahalikan, hindi na para sa akin ang mga labi mong mapupula
Wag mo akong hahalikan, wag mo na sanang ipilit pa
Kasi ang pinakamahirap dito ay ang katotohanang iiwan kita

Pwede bang lumayo ka na, lumayo na ng tuluyan
Sa estado kong ito, di na ako kaaya aya tingnan
Wala ng buhay na natitira sa aking katawang nagtatakipsilim
Kaya kung ikaw ay magpapaalam gawin mo  na ng mataimtim

Kasi ang pinakamahirap dito ay ang katotohanang ika'y aking maiiwan
Na wala ka ng ibang magagawa kundi ako ay hayaan at pabayaan
Dahil ang aking pagkapit ay ang iyong kamatayan
At ang aking pagbitaw ay ang iyong kalayaan
Kaya sana naman ikaw na ang magpaalam kasi di ko kaya na ikaw ay aking iwan.

Alimpungat

0 comments

 


Dalawang taon matapos ang Strange Effect, ang grupong Parisian ay bumabalik sa Half Asleep Half Awake, ang pangalawang album na magbabalik ng iyong pananampalataya sa rock. Paano? Sa pamamagitan ng isang pinagsanib na koleksyon ng mga napaka-tunog na hit, maliwanag na melodiya, at mga demonikong jam na magpapaapoy sa iyong mga daliri. At ang mga solo sa drum at gitara ay pina-infuse ng phaser. Isang album kung saan ang alkemya at mga eksperimento ay nagbibigay buhay sa kasabikan, kabangisan, at damdamin.

So itong tulang ito ay naisulat ko nung 2018 ba o 2019? Basta noon dun sa ilalim ng buwan at tala ng kalangitan nang isang madaling araw sa kanto ng mga kalye ng Amorsolo at Dela Rosa habang nag-aabang ng mga elementong nagpaparamdam mula sa Makati Med.



ALIMPUNGAT

Naaalala ko pa nang bumagal ang oras
Nadadala lamang ng mabagal na kumpas
Madamdaming komposisyon. Romantikong musika
Naaantig na emosyon sa pagkakataong kasama kita

Naaalala ko pa nang ang puso ko'y natunaw
Ang iyong mahika pag nasisilayan ka sa ilalim ng araw
Ang iyong ngiti, mga pananaw , at buong pagkatao
Aking mithi na ako't ikaw ay hindi magbabago

Naalala ko pa nang binulungan ako ng hangin
Para bang natutuwa, nagdidiwang na ikaw ay akin
Nagmula sa panaginip, natupad, nagkatotoo
Tiwala ang puso at isip na mahal kita at mahal mo ako

Ngayo'y nagbabalik ang pagbagal ng oras
Nang iyong sinasambit na pag-ibig mo'y kumupas
Ang puso ko'y nabibingi sa ingay ng isip kong malala
Sa lahat pa ng hiningi, bakit pa iyong pagkawala

Ang kumpas ng maestra di ko na masabayan
Ang dahas ng orkestra. Himno ng kaguluhan
Ngayo'y nagbabalik ang puso kong natutunaw
Unti-unting lumiliit, tuluyan nang nagugunaw

Ngayo'y nagbabalik ang pagbulong ng hangin
Parang naninisik na ulupong, nagbabanta sa akin
Paulit ulit nyang binabanggit ang iyong pangalan
Paulit ulit nananaig ang sakit na pinagdaraanan

Isang pangarap na nakamit, isang panaginip na totoo
Hindi mahanap kung bakit, hindi maiisip kung paano
Bakit kailangang magising agad sa katotohanang ito
Kung di matatakasan ang realidad, magpapaalam na lang ako

Ligaw

0 comments

 

Ang Lost on You ay ang ikaapat na studio album ng Amerikanong singer-songwriter na si LP. Inilabas ito noong Disyembre 9, 2016, sa pamamagitan ng Vagrant Records sa Canada at ilang bansa sa Europa.

So one time, natuwa ako sa salitang "nakaratay". Di ko alam kung ano ba dapat ang ikakatuwa ko dun pero yung thought na parang nakataray? like rbf on. And thinking naka rbf ba ang mga taong nakaratay? Actually, di ko alam. Di ko rin naman nanaisin na magkaraoon ng taong nakaratay. Pero mula sa salitang ito, naging kataga, naging stanza, naging tula. 


LIGAW

Nagsimulang magwala sa simula nang tayo'y mawala
Di man lang makapaniwala ang diwang di makawala
Nabulag. Nalaglag.
Nabasag. Nabuwag. 
Napuno ng "huwag"
Isang tunay na duwag

Piniringang mga mata
Kinadenang mga paa
Nabihag ng pagkukulang
Ginapos ng kamangmangan
Bakit nga ba natutong ibaling ang tingin?
Bakit nga ba lumiko sa landas na tatahakin?

Ikaw na pinagmulan ng mga bagong dahilan
Ako na pinagbigyan lamang ng iyong kaawaan
Banayad mong mga kamay ang aking laging batid
Balabal ko'y iyong akbay, ang aking tanging silid
Sanhi ng kaningningan ng aking mga mata
Mithi na patutunguhan ng aking mga paa
Ikaw lang ang tititigan
Ikaw lamang ang patutunguhan
Ikaw lamang ang pipiliin sa bawat paghinga
Ikaw naman talaga. 
Ikaw naman dapat, di ba?

Nagbulag-bulagan ako.
Nagpakasasa sa pagnanasa. 
Nagpilay-pilayan ako.
Nagpaawa. nagpakasawa.
Sa iyo ang pangako, sa kanya nakatugon.
Sa iyo ang pagsuyo, sa kanya nakalingon.

Hindi man lang sumilip sa iyong pagmamasid
Hanggang sa panaginip di kayang maging manhid
Hindi man lamang tumanaw sa iyong pag-aalala
Hanggang sa pagpanaw ay lagi ko ng dala dala

Ang iyong kamalayan na dati'y walang bahid
Ang ating kamatayan na ako ang naghatid
Bakit nga ba pumikit?
Bakit nagpakaligaw?
Napuno na ng bakit ang aking bawat pagsigaw

Piniringang mga mata
Kinadenang mga paa
Di ko kayang makita
Di ko nais pumunta
Huling lakad ng ating matagal na pagsasama
Huling gunita ng ating napakaraming alaala

Nawala na ang iyong mga matang mapupungay
Natapos na ang ating sinimulang paglalakbay

Sana noon pa lang nakamulat na ang aking mga mata
Sana noon pa lang nakalapat na sa lupa ang aking mga paa
Bakit kailangan ko pang lumingon ngayong di ka na makita?
Bakit nais ko pang balikan ngayong di ka na kasama?

Mata ay hilam. talampakan ay malamig.
Wala ng pakiramdam. sa kawalan nakatitig.
Andito ako nakaratay
Dadalhin ko habambuhay
Nagsisisi sa pagbitay
Sa pag-ibig mong tunay

Tuldok-Kuwit

0 comments

 

Ang Semicolon ay isang espesyal na extended play (EP) ng South Korean boy band na Seventeen. Inilabas ito ng Pledis Entertainment noong Oktubre 19, 2020.

So after ko mag-inarte at magdrama nung 2019 hanggang 2020 na hindi na ako muling susulat ng tula, hahahaha, edi sumulat ulit ako ng tula. So ito yung  nagawa ko matapos ang hiatus. Hiatus?! Char. hahaha. Pero nakaka-amaze kasi yung isang Filipino teacher na nagtuturo ng independent clause at dependent clause. Narinig ko kasi ang pagkakasabi niya na, "sugnay na di makapag-iisa". Tapos naisip ko, ang lungkot naman nun. Nabansagan na siya na di makapag-iisa. Huehue. Ang kanyang pag-iisa ay walang saysay? Like whaatt? Hahahaha. Anyway. Ito na siya:



TULDOK-KUWIT

Nagmula sa isang kislap
Apoy na sumiklab
Nagbuhat sa aking kamay na pagbuhatan na ng kamay

Sa pagsusulat, ako'y namulat
Na ako'y nakapikit kahit nakadilat
Mga tulang tulala
Panay pangungusap na nangungusap
Para bang nakikiusap
Naghahanap ng kausap

Para ba kanino inalay
Isang aninong walang malay
Isang bahagi ng kahapon
Sadyang palagi nililingon
Paano ba bumangon kung di naman nakahiga
Paano ba matutuyo kung wala ng mapipiga

Gaya ng  tinta nitong tula
Natuyong namumutla
Bahid ng paglipas
Hatid ay pagkupas
Akala ko titigil ang oras habang sinisiil ko ang nakalipas

Usapang nakaraan
Isang tulang binabalikan
Sa paghagod ng papel at pluma
Mayroong anghel na nagbunga
Higit pa sa marka ng tinta
Ang kanyang pagsinta

Bawat pantig ay pintig
Bawat titik ay sabik
Mga linyang nagkakabit
Mga talatang umaawit

Ngayo'y lirikong walang musika
Tinatanong kung sino ka
Pinaasang mga tugma ng dalawang hindi nagtugma

Natapos ang ugnayan
Pinutol na hugnayan
Ikaw na nakapag-iisa
At ako na nag-iisa

Di na maunawa
Naglaho na ang diwa
Tila isa ng parirala
Na sadyang naniniwala
na isang pagatnig lang naman ang kailangan
Di man lang namalayan
na ang pag-ibig pala'y isang tambalan

Ngayon ako'y naiwan
Dito sa kasukdulan
Sa pagbaba ng aksyon
Meron nga bang resolusyon?
Bababa nga ba ang aksyon
O sadyang rebolusyon

Susulat na ng nakamulat
Tapos na ang imahinasyon
Tapos na ang piksyon
Dating paghagod buhat ng ilusyon
Ngayo'y pagsusod ng may dirensyon

Di na muling magtatangka
Gawing biktima ang mga katha
Di na muling mananadya
Magdidikta ang mga salita

Bawat pintig ay pantig
Bawat sabik ay titik
Ipagdurugtong ang mga linya
Ibubugtong na ang mga talata

Sa aking huling pluma
Hanggang huling patak ng tinta
Di na ikaw ang may akda
Ako na ang magtatakda

Nostaldyik

Sunday, August 25, 2024

0 comments

 

Ang Nostalgia ay ang ikalimang studio album ng Amerikanong rapper na si Rod Wave, na inilabas noong Setyembre 15, 2023, ng Alamo Records.


So may nanghamon sakin noong 2021 ata or 2022 na sumulat ng tula na hindi naman tragic. Oo, siguro karamihan ng naisusulat ko ay may pagkatragic nga naman. So ito, sa tingin ko maaaring malumanay lang naman. Siya nga pala, wag nating kalimutan na ang salitang tragic ay relatibo lamang. Hahahaha. Anyway, ito na siya.



NOSTALDYIK

Nakita ka daw nila
Nakangiti. Masaya.
Kumusta ka naman pala
Wala pa ring pinag-iba?

Ako. Andito pa.
Nagtitimpi. Kinakaya.
Saan na ako pupunta?
Hayaan mo. Kaya ko na

Kapag naiisip ang iyong ngiti
Parang muling kinikiliti
Mga lihim nating mga senyas
Kinikimkim na mga bakas
Ang himig ng iyong tono
Kinikilig pa rin sayo
Ako'y iyong kinakabisa
Ikaw sa akin ay nag iisa

Ating aklat man ay may hantungan
Isang peklat na aking ipagyayabang

Kahit wala na sa aking tabi
Palagi kang nasa aking tabi
Kahit di kita mayakap
Palagi kang yakap yakap
Kahit di kita nakikita
Ikaw lang ang nakikita
Kahit di na kita minamahal
Ikaw lang ang minamahal

Di man umabot sa huling hantungan
Salamat at ika'y aking nadatnan
Kung di ka man magbabalik
Di ako iimik
Nakatatak na sa akin ang iyong halik
At kailanman di ko ipagpapalit
Ang pinagsamahan natin kahit isang saglit
Dahil sa sandaling ako'y naging iyo
Habambuhay na ang ibinigay ko

Ang Tagubilin

0 comments

 

Second album ng American producer and rapper na si Jermaine Dupri ay ang Instructions

So. Hello blog. I am back. Since may time ako, magpopost ako ng mga naisulat ko mula nung last time na  huling nakapagpost ako dito. Hindi ko din sure kung anong nangyayari, pero feeling ko wala ako masyadong confidence as before? Or dahil ba mas tumatanda lang ako, at wala na akong passion di gaya nung mas bata pa ako. Hahahaha #OA. Anyway, sana maenjoy mo to.



ANG TAGUBILIN

Napanaginipan kita kagabi
Nakangiti ka sa aking tabi
Nakaakbay sa aking balikat
Nakadantay nang kay bigat

Ako'y kinakabahan pagkamulat
Halong pagkalito at pagkagulat
Aking sandigan, kaibigang tapat
Parang testigong magsisiwalat

Mahimbing na panaginip. Siguradong di makakalusot sa iyong kalasag
Sa maraming pagsagip, siguro nakalimot lang akong maging matatag
Hinding hindi maiisip na siguro bangungot ang aking napagmatyag 
Dahil sa dami ng paninikip siguradong iyong dulot sa akin ay pagluwag

Akong nakatalukbong sa kobre ng madidilim kong agam agam 
Ikaw ang nakaselyong sobre ng mga palihim kong liham
Akong nadadala sa ihip ng buhawi ng aking pag aalinlangan
Ikaw ang nagsasalba, nagsasagip, nagbibigay ng katahimikan

Ngunit bakit ganito. Ako'y iyong nililito
Di ko mapagtanto mga linyang binibitawan mo
Iyong huling salita na di ko malilimutan
Aking laging gunita na di ko maintindihan

"Wag ka munang kakapit kung kulang pa sa talim"
"Wag subukang sumabit dahil wala namang bangin"
"Wag kang lilingon sa baba, baka mawalan ka ng pag-asa
Ako na ang bahala, wala ka nang magagawa pa"

Naninikip na dibdib, ako'y nagpupumiglas
Parang nadakip sa liblib, ako'y hindi makatakas
Nanghihinang mga tuhod, ako'y napaluhod
Sa binitawang taludtod, tila ba nalulunod

Taas. Baba. Kaliwa. Kanan.
Aking mga diwa'y naguguluhan
Taas. Baba. Kaliwa. Kanan
Tama ba na ika'y aking pakinggan?

Ikaw na nasa kaibuturan ng aking mga paningin
Ikaw na nangingibabaw sa aking mga sasabihin
Ikaw na tinutularan ng buong puso't damdamin
Ikaw na nagbibigay linaw sa aking mga tatahakin

Pinapatawad mo ako sa mga hindi ko alam
Pinapatawa mo ako kapag ako'y nagdadamdam
Naghatid at naggabay patungo sa ating paraiso
Aking batid ay isabuhay lahat ng iyong mga abiso

Di ko alam kung tama, di ko alam kung mali
Pero sa aking pagkakaalala, di ka nagkakamali
Alam mo palagi ang aking hinahangad
Kaya naman palagi pilit kong tinutupad

Kung wala pang talim, ako ang magpapatalas
Kung wala ang bangin, ako ang tutuklas
Hindi lilingon sa baba. Hindi lilingon sa iba
Ikaw na ang bahala. Wala naman akong magagawa

Taas. Baba. Kaliwa. Kanan.
Ngayon di na mapakikinggan
Taas. Baba. Kaliwa. Kanan.
Saan ba kita matatagpuan?

Biglang isang araw, ikaw ay nawala
Nawalan ng linaw aking paniniwala
Ngunit panghahawakan ko ang iyong huling kataga
Walang pag-aalinlangan kaya ko itong magawa

Matalim na ang patalim.
Malalim na ang bangin.

Taas. Baba. 
Kaliwa. Kanan.
Handa na kumapit kahit masugatan
Taas. Baba.
Kaliwa. Kanan.
Hindi ako sasabit kahit walang hangganan

Taas. Baba.
Kaliwa. Kanan.
Hindi ba dapat lilingon hanggang sa kailaliman?
Taas. Baba.
Kaliwa. Kanan.
Hindi ba nangakong di mo ko iiwan?

Huling pagtaas.
Huling pagbaba.
Huling kaliwa.
Huling kanan.

Sa wakas ikaw ay aking natagpuan.

Nakadantay ng kay bigat.
Nakaakbay sa aking balikat.
Nakangiti sa aking tabi.
At muli mong sinabi,
"Kapag wala ka nang magagawa, ako na ang bahala"