Kanser

Monday, August 26, 2024

 

Ang The Black Parade ay ang ikatlong studio album ng My Chemical Romance, inilabas sa Estados Unidos noong Oktubre 24, 2006, ng Reprise Records. Ito ay isang rock opera na nakatuon sa isang lalaking namamatay dahil sa kanser, kilala bilang si 'The Patient,' at nagsasalaysay ng kanyang kamatayan, karanasan sa kabilang buhay, at pagninilay sa kanyang buhay.


So ito ay way back 2018. Mga panahon na nareignite yung passion ko sa bandang My Chemical Romance. Lels. Isa sa mga favorite kong track sa album nilang The Black Parade ay ang kantang Cancer. Dahil dito, naisipan kong gumawa ng Filipinized na version pero hindi paawit. Hahaha like sa kanila lahat ang konsepto at ideya, sa akin lang ay yung tagalog words at isang damdaming nagreresonate sa kanilang artistic na pag-eexpress sa kantang Cancer.

KANSER

Pwede bang lumayo ka muna, yan ang aking ibig
Kung ang ibig sabihin nito ay ang pagkuha mo ng tubig
Ang mga labi kong uhaw, namumutla at nanunuyo
Kaya sana'y ikuha mo ako ng tubig sa iyong paglayo

Kung maaari din tawagin mo si Nanay
Tulungan mo siyang tipunin lahat ng mga paborito kong bagay
Para kapag dumating na ang takdang oras ng pamamaalam
Sa huling pagkakataon man lang ay aking mabalikan

Pasensya na sa pagiging makasarili, pero ito na ang huli
Pasensya na kung di mapakali, masyado lang nagmamadali
Bago matigil ang aking paghinga, bago maubos ang dugong binubuga
Nitong puso kong dahan dahan pero siguradong bumibigay na

Pero di kita hahalikan, mga namumutlang labi'y natuyo na
Di kita hahalikan, hindi na para sa akin ang mga labi mong mapupula
Wag mo akong hahalikan, wag mo na sanang ipilit pa
Kasi ang pinakamahirap dito ay ang katotohanang iiwan kita

Pwede bang lumayo ka na, lumayo na ng tuluyan
Sa estado kong ito, di na ako kaaya aya tingnan
Wala ng buhay na natitira sa aking katawang nagtatakipsilim
Kaya kung ikaw ay magpapaalam gawin mo  na ng mataimtim

Kasi ang pinakamahirap dito ay ang katotohanang ika'y aking maiiwan
Na wala ka ng ibang magagawa kundi ako ay hayaan at pabayaan
Dahil ang aking pagkapit ay ang iyong kamatayan
At ang aking pagbitaw ay ang iyong kalayaan
Kaya sana naman ikaw na ang magpaalam kasi di ko kaya na ikaw ay aking iwan.

0 comments:

Post a Comment