Grabi, ang tagal ko na palang di nabubuksan ang blog na ito. Huehue. Konting edit lang:
Bale nasulat ko ito way way way back nung umuulan isang araw. Tapos parang ang romantic pala ng ulan: parang nagdurugtong ng langit at lupa. hahaha
GUHIT-TAGPUAN
Nilusaw ng iyong init ang lamig na nakasanayan
Sinilaw ng iyong liwanag ang bumabalot na kadiliman
Nakilala ko ang araw nang ikaw'y dumating
Akala ko noon hindi na ako magigising
Nagsimula ang unang patak ng ako'y simpleng nagtanong
Hindi ko natitiyak, pero nabuo ang unang koneksyon
Naging malimit ang mga kwentuhan at mga kumbersasyon
Bagama't mainit, nagsimula na ang banayad na ambon
Ambon pa nga ba ito o maituturing ko ng ulan
Di naman ako nalilito pero nais ko lang malaman
Wala ng oras na hindi tayo magkasama
Wala ng kupas ang aking nadarama
Hindi ko mapagtatanto ang mga nagaganap
Nagiging totoo ang aking mga pangarap
Ikaw na tinitingala ko sa aking buhay
Nakikipagsalamuha na tila tayo'y pantay
At parang hindi pa sapat ang mga pangyayari
Ako'y iyong ginulat nung isang gabi
Habang tayong dalawa ay naglalakad nang magkasabay
Ay bigla bigla kang humawak sa aking mga kamay
Parang bumagal ang ikot ng mundo
Walang bumibitaw ikaw man o ako
Habang tayo'y naglalakad ng marahan
Tuloy tuloy na ngang bumuhos ang ulan
Walang tigil ang pagbugso ng hindi mabilang patak
Hindi ko mapigil ang aking puso at para bang naiiyak
Nang biglang kumidlat, kumulog at ang mundo'y ko nayanig
Ako'y nagulat, namulat, sa mga sunod kong narinig
"Mahal kita
Di ko alam kung kailan pa
At sigurado ako
Ikaw na nga yung inaabangan ko."
At sa simpleng pagtugon sa king simpleng salita
Sa unang pagkatataon, naabot na ang langit ng lupa
Ang sigwang bumubuhos na naghahabi sa ating dalawa
Nagpaunawang lubos sa ating mga nadarama
Gaano man kalawak ang sa ami'y namamagitan
Akin nang natitiyak na mayroon ngang guhit-tagpuan
At ang sigwa ng pagmamahalan ng langit at lupa
Ay nawang kailanman hindi na titila